Bike lane solusyon ba talaga?
Parang Pinoy flavor na hotcake sa init na pinag-uusapan ngayon ang pagbibisikleta papasok sa mga upisina dahil sa kawalan ng masasakyan bunga ng umiiral pa rin na community quarantine na epekto ng pagkagimbal ng lahat sa COVID19.
At dahil marami nang nagbibisikileta, nabuhay ang dati nang ipinapanawagan na magkaroon ng bike lane sa EDSA at iba pang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Tumaas kasi ang bentahan ng bisikleta dahil sa lockdown kaya nabuhay ang nabanggit na mungkahi.
Pero dapat nga bang bigyan ng kagyat na prayoridad ang pagkakaroon ng bike lane sa mga pangunahing lansangan sa Maynila?
Balikan natin ang motorcycle lane sa EDSA.
Ang motorcycle lane ay binuo at ipinatupad ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng noon ay si MMDA Chairman Francis Tolentino na ngayon ay senador na.
Dati ay mahigpit na sinusunod yan dahil mahigpit ang pagpapatupad, pero nang maupo si Duterte na mahilig magmotor, nawalan ng saysay ang ipinatupad ni Aquino, kung sa Ilonggo, balik na naman sa pagkuris-kuris ang mga nagmomotor sa EDSA at iba pang may motorcycle lane.
Ngayon eto na tayo sa bike lane.
Naisip lang naman ito dahil nakalockdown tayo eh, pero ang tanong, gaano pa tayo magtatagal sa ganitong situwasyon, hindi ba’t sa darating na Hunyo nga ay balitang-balita na galing sa kasalukuyang MECQ ay bababa na ang Metro Manila sa GCQ na puwedeng mangahulugan na balik-pasada na ang mass transport system?
Hindi ba pag ganu’n na tunaw na naman ang bike lane proposal? Diba parang nagpagod lang ang mga awtoridad sa kaiisip kung paano ito ipapatupad?
Hindi motor o bisikleta ang totoong kailangan ngayon ng mga namamasukan araw-araw kundi mga shuttle buses na susundo at hahatid sa kanila.
Kung tutuusin hindi dagdag na gastos sa kanilang mga employer ‘yan dahil puwede naman ang ideyang magbabayad ang mga empleyado kada sakay o kaya naman ay ikakaltas sa kanilang mga suweldo at iba pang benipisyong buwanang natatanggap.
Mas magaang para sa empleyado ang magshuttle bus dahil higit itong mura kumpara sa bibili o uutang ng bisikleta na baka hindi pa tapos hulugan ay balik na ang pasada ng mga pampublikong sasakyan kaya doble gastos sila.
At hey! Ilang nagbibisikleta na ba sa panahon ng lockdown ang nasagi ko kaya ay nasagasaan ng mga motorista? Ilan pang ganitong insidente ang mangyayari bago matapos ang bike lane na yan?
Shuttle bus talaga ang sagot sa kawalan ng masasakyan sa panahon ng COVID19 pandemic.
Kuwentuhan po tayo tungkol sa sasakyan, add niyo ako sa FB @Carlito Evangelista. Ayos ba?