https://www.abante.com.ph/wp-content/uploads/Senator-Ralph-Recto-Usapang-Barako-7-3.jpg

Dagdag na panahon para makabayad sa kuryente, tubig, pabahay

Patuloy ang pag-iisip natin sa Senado kung anong panukala pa ang maaari nating gawin upang matulungan ang pamahalaan at kapwa Pilipinong malampasan ang masamang epektong idinudulot ng COVID-19.

Sa unti-unting pagbubukas ng ating ekonomiya sa kabila ng panganib ng virus sa paligid, naglabasan rin ang mga problemang bumulaga sa mamamayan na kulang 3 buwang nakakulong sa kani-kanilang tahanan.

Ang nagkapatong-patong na bayarin sa tubig, kuryente, telepono, internet, credit card at renta sa bahay. Ang naipong buwanang bayarin sa hinuhulugang pabahay, kotse at motorsiklo. Utang sa Bumbay at marami pang iba.

‘Yan ang totoong buhay ng karaniwang Pilipino. Kaya’t tuwing hinihingan ako ng opinyon, palagi kong sinasabi na napakahalaga ng stimulus na ibibigay ng pamahalaan sa mga tao, tulad ng social amelioration program (SAP), dahil parang bala ito na ibinigay natin sa kanila upang labanan ang COVID-19.

Magsisilbi rin ang SAP na gasolina o krudong muling magpapatakbo sa tumirik nating ekonomiya.

Para naman sa nagpatong-patong na bayarin, iminumungkahi natin na ang mga bayarin sa kuryente, tubig, telepono at internet ay bigyan ng palugit hanggang sa katapusan ng taong ito upang unti-unting mabayaran at huwag malunod sa pagkakautang ang mga tao.

Sa mga hinuhulugang bahay, kotse o motorsiklo, kung ilang buwan o taon ang nasa kasunduan para mabayaran ito, bigyan natin sila ng dagdag na 2 o 3 buwang palugit. Halimbawang 36 buwan ang hinuhulugang kotse, pahintulutan nating maging 38 buwan ito upang maidagdag ang 2 buwang lockdown na walang kinita ang mga tao.

Lahat ng kaluwagang ito’y hinihingi nating maisakatuparan na walang dagdag na interest na babayaran ang mga tao.

Sa kaso ng Meralco na inabot ng batikos dahil sa di maipaliwanag na pag-doble, pag-triple ng bill ng mga konsumer, magandang polisiyang ipatupad siguro na sa pagkakataong may krisis tulad ng COVID-19 at nahinto ang normal na buhay ng mga tao, hindi sila maaaring magpadala ng bill kung walang aktuwal na pagbabasa ng metro. Hindi natin maaaring idaan sa panghuhula ang konsumo ng mga kostumer.

Walang reading ng metro, walang bill, walang galit ang mga tao.

Patungo na tayo sa unti-unting pagbubukas ng ating ekonomiya. Ibayong pag-iingat pa rin ang dapat na disiplinang sundan ng bawat isa. Huwag nating sayangin ang higit 2 buwang pagtatago upang makaiwas sa kapahamakan ng COVID-19.

Maganda rin na maglabas ang pamahalaan ng anunsyo sa mga tao kung ano ang mga aasahang kaganapan sa bawat hakbang na gagawin pabalik sa tinatawag nating “new normal”.

Kung maging GCQ na ang mga lugar, ilang porsyento ng mga manggagawa natin o ng pampublikong transportasyon ang aasahang makabalik sa trabaho at pasada? Kung tuluyang matanggal ang quarantine, 100% na rin bang balik ang serbisyo ng lahat ng sektor?

Malaking bagay ang ganyang impormasyon upang alam ng mga tao ang mangyayari, makapaghanda sila at manumbalik ang kanilang kumpiyansa.