https://www.abante.com.ph/wp-content/uploads/Risa-Hontiveros-Wala-Kayo-Sa-Mama-Ko-3-750x430-3.jpg

Kalinga para sa ating mga Overseas Filipino Workers

Libo-libong Overseas Filipino Workers ang pwersahang pinauwi dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic sa buong mundo.

Noong nakaraang buwan, nakita natin ang pagsubok ng mga OFW na umuwi dito sa bansa. Marumi at hindi maayos ang kondisyon ng mga hotel na nagsilbing quarantine facility, kulang ang pagkain, tubig, face masks at hindi natutupad ang physical distancing.

Ngayon, hinaing nilang makauwi: ang mga naka-quarantine dito sa Maynila sa kanila-kanilang mga probinsiya; at ang mga OFWs na nasa host countries pauwi naman dito sa Pilipinas para makasama na ang kanilang mga pamilya.

Nakakapanlumong makita sa ganitong sitwasyon ang mga kababayan nating nakipagsapalaran sa ibang bansa at ngayon ay nasa alanganin ang kabuhayan.

Anu-ano ang dapat na gawin ng gobyerno, partikular ng Department of Labor and Employment at Overseas Workers Welfare Administration para matulungan ang ating OFWs sa panahong ito?

1. Livelihood at employment assistance
2. Retraining programs
3. Ibilang ang OFWs sa DOLE-AKAP at Balik-Manggagawa assistance programs

Kung hindi maikakasa ang kinakailangang reintegration programs, maaaring makaranas ng ‘full-blown labor crisis’ ang bansa dahil inaasahang nasa 300,000 hanggang 400,000 na OFWs ang mawawalan ng trabaho.

Patuloy nating binabalangkas ang “BalikBayani” bill para maisabatas ang karagdagang proteksyon para sa ating mga OFWs.

Sa dami ng naitulong nila sa ating pamahalaan at sa ekonomiya, ngayon ay iparamdam natin sa kanila ang kalinga para makatawid sila sa napakalaking pagsubok na ito.