Mga bayani ng Ayala, inalayan ng kanta
Para ipahatid ang taus-pusong pasasalamat sa kanilang mga frontliner, nag-alay ang Ayala Group of Companies ng kanta para sa kanilang mga empleyado na tuloy ang trabaho sa kabila ng COVID-19 crisis.
Sa Ayala Facebook post, kanilang hinandog ang ‘Nariyan Ka’ na inawit ng The Ryan Cayabyab Singers para sa tinuturing ng Ayala na kanilang mga ‘bayani’.
Ilan sa mga pinagpugayan ng Ayala Group of Companies ay ang mga ground maintenance personnel ng Integrated Micro-Electronics Inc.; office support staff, utilities staff, control center personnel at traffic enforcer ng Ayala Property Management Corp; critical skeleton force ng Globe Telecom; tollway teller at traffic patroller ng Muntinlupa Cavite Expressway; bellman at front desk officer ng Seda Hotel; retail sales staff, store supervisor at security guard ng Ayala Malls; technician sa Northwind Power at AC Energy; piloto sa Airswift; pharmacist sa Generika at ground maintenance sa Laguna Technopark Inc.
Kasama din sa mga sinaluduhan ng Ayala ay ang construction team sa Makati Development Corp-We Heal As One Center; quality assurance manager, plant controller at laboratory analyst ng Manila Water; guro sa APEC school; branch frontliner sa Bank of the Philippine Island (BPI) at medical team ng FamilyDoc at Healthway.
Sa COVID-19 pandemic, naglunsad ang Ayala Group ng ilang proyekto para makatulong sa mga kababayang hirap matawid ang pang-araw-araw tulad ng Project Ugnayan, na nagbigay ng P1,000 food voucher sa urban poor, at ang relief program ng Ayala Foundation na Project Pananagutan.(RP)