Human rights ang nagpalubha sa virus problem
by Allan EncarnacionISA sa matinding dahilan ng patuloy na pagtaas ng bilang ng infected ng COVID-19 ay ang kawalan ng sistema ng transparency sa pagtrato sa mga pasyente or suspected patients.
Masyado kasi nating tinutukan ang anggulo ng "human rights" kaysa sa "human protection." Dahil sa pangamba ng diskriminasyon, ito ang napala natin sa pagtatago sa pagkakakilanlan ng mga infected.
Sabi nga, kapag nagkamali ka sa unang hakbang, mas malaki ang tiyansa na ikaw ay matalisod. Kung sa simula pa lang ay inilantad na agad natin ang naapektuhan ng virus matapos madiskubre ang unang tatlong kaso noong January, baka hindi lumaki ang ating problema.
Halimbawa, ilalabas ng gobyerno ang pangalan nila Juan dela Cruz, Juanita dela Cruz at Maria dela Cruz. Sa paglabas ng pangalan nila, magkakaroon agad ng "surgical or targeted quarantine" sa mismong bahay lang nila pero ilalagay na sa isolation facilities/hospital sila Juan, Juanita at Maria upang gamutin.
Ang purpose naman ng surgical quarantine, maprotektahan ang immediate family members ng possible infected dahil ibubukod na agad sila at hindi na rin ito kakalat sa komunidad.
Dahil nga tinukoy na sila Juan, Juanita at Maria, lahat naman ng posibleng nakadikit, nakausap or nakasama nila sa malapitan, sila na naman ang magiging subject ng contact tracing na ang detalye ay magmumula sa tatlong nabiktima. Baka nga kung alam nila na nagkaroon sila ng direct contact sa infected, magboluntaryo pa silang magpakita sa gobyerno.
Halimbawa, sasabihin nila kung sino katabi nila sa opisina or kung saan sila nagpunta sa huling isang linggo bago natukoy ang kanilang infection. Baka hindi natin kinailangan ng Luzonwide ECQ kung nagkaroon kaagad ng tamang sistema ng identification at contact tracing.
Ang naging sagabal talaga sa public identification ay ang discrimination scare na sa tingin natin ay hindi na-manage nang tama ng DOH. Ang pandemic na ganito kalaki ay hindi na lamang obligasyon ng gobyerno, dapat ay ilagay na rin sa balikat ng publiko.
Hindi lamang ang stay home ang puwedeng maitulong ng mamamayan kung sa umpisa pa lamang ay naging tama ang paghawak ng DOH. Kaya nga hindi natin masisi ang mga nananawagan sa pagsibak kay Health Secretary Kiko Duque dahil sa totoo lang naman, naging mahina ang kanyang sistema sa pag-manage ng problema.
Isipin nating mabuti ang cause and effect kapag mali agad ang arangkada ng solusyon sa pagputok pa lang ng problema. Ang Luzonwide lockdown, lalo na sa Metro Manila, ay nagdulot ng matinding pagbagsak ng ating ekonomiya.
Daan-daang kompanya na ang gustong magsara, milyun-milyong empleyado ang nawalan ng trabaho at matinding kagutuman ang inabot ng marami nating kababayan.
At kahit maging GCQ o alisin na nang lubusan ang quarantine, hindi na tayo makakabalik sa normal nating buhay dahil sa lawak ng virus infections. Plus, ang ating ekonomiya, paano makakabangon kung 50% manpower ang lahat ng negosyo?
Ibig sabihin, kung 20 ang empleyado, sampu lang ang may trabaho. Kung alternate naman, ibig sabihin ba, alternate rin muna ng pagkain ng kanilang pamilya?
Sa parte naman ng kapitalista, bakit naman ako magbubukas or gagastos ng P1 million na puhunan kung malulugi ako ng 50% or baka mas mataas pa dahil sa posibleng overhead or mas malaking gastos pero mababa ang produksiyon?
Hindi natin alam kung ito na ang huling virus sa mundo na ganito ang magnitude pero ang importante rito ay matuto tayo ng pag-handle sa problema na may maximum tactics with minimum effect.
Hindi natin suportado ang resignation call kay Secretary Duque noong mga nakaraang linggo dahil mahirap magpalit ng hinete sa gitna ng karera. Pero kapag nakakabalik na tayo sa GCQ going to normal, puwede na siguro siyang alisin ni Pangulong Duterte.
Aminin man o hindi ni Secretary Duque, siya ang weakest link sa problemang inabot ng bansa sa nakaraang anim na buwan.
allanpunglo@gmail.com