Patuloy ang pangangasiwa may COVID man o wala
Bagama’t prayoridad ang pagtugon sa kalamidad dala ng pandemyang Covid19, mariin nating hinihikayat ang ating mga kasamahan sa ehekutibong sangay na ipagpatuloty ang mga programa at proyektong nakalaan para sa benepisyo ng ating mga kababayang kabilang sa mga napag-iiwanang sektor.
Paalala ito sa mga pinuno ng mga ahensya’t tanggapan: tuparin natin ang mga mandatong nakaatang sa ating mga balikat. Hindi dapat tumitigil ang pangangasiwa, nasa gitna man tayo ng paglaban sa pandemyang ito.
Batid naman nating lahat ang paulit-ulit na utos ng ating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa sama-samang pagkilos lalo na sa pagsuong ng gobyerno sa bawat sitwasyong kinakaharap ng bansa mula sa umpisa ng terminong pampanguluhan – Whole of Government Approach o Whole of Nation Approach ang susi sa tagumpay.
Oo nga’t bago ito sa ating lahat dahil sa laki at lawak ng banta sa buhay natin bilang isang bansa, hindi naman kaila sa ating mga nasa gobyerno ang mga kaparaanang noon pa nakalatag upang maayos na makatugon.
May mga mangilan-ngilang sumusuway at hindi makapagpigil magpasaway. Ngunit sa mahigit dalawang buwan nating pakikibaka sa digmaan kontra Covid19, patuloy na ipinapamalas ng mga Pilipino ang ating karakter bilang isang mamamayan – nakikipagtulungan, nakikipagdamayan, matibay at bumabangon.
Nangangailangan man ng pagrebisa, pagrepaso at muling pagbalangkas ng mga plano, magsisitalima tayo sa atas ng ating mga sinumpaang mandato.
Noong nakaraang linggo, ating pinulong ang mga ahensyang kasapi sa Cabinet Assistance System upang talakayin ang mga panukala’t paksang kailangang maiakyat sa kabatiran ng Gabinete.
Ipinatawag din natin ang mga katuwang na ahensyang kasapi ng Interagency Task Force on Zero Hunger upang bigyan ng panibagong sigla ang mga institusyunal na gawain tungo sa katiyakan ng pagkain, mgafeeding program at pagpapabilis sa pagbalangkas ng National Food Policy.
Patuloy din ang paghahanda ng pamahalaan para sa ulat sa bayan ng ating Pangulo at mga kaugnay na gawain sa darating na Hulyo. Lahat ng ito ay binibigyan natin ng kaukulang atensyon kasabay ng ating tungkulin sa IATF on the Management of Infectious Diseases na bumabalangkas ng mga polisiya laban sa pandemya.
Malawak ang epekto nito, malalim ang mga sugat na iiwanan. Ngunit sa ilalim ng giya at kumpas ng ating Pangulo, at patnubay ng Maylikha, sama-sama tayong babangon. May kahirapan ang laban, ngunit tatayo tayo na buo ang dangal.