https://www.abante.com.ph/wp-content/uploads/lex-6.jpg

Kaya mo ba ‘to?

Ano daw ang dalawang trabaho ng isang manager?

‘Yan ang tanong sa isang leadership and management development training.

Sagot: Una, “managing people”. Pangalawa, “money-ging”.

Bali-balita rin noong bagong salta pa ang CoViD-19 na ang saging ang gamot sa impeksyon na ito.

Sa Facebook ay nakita ko ang biro na ito ng anak sa kanyang ina.

Ano daw ang bigkas sa “saging”? Binasa ng nanay sa wikang Filipino ang salitang saging. Tumpak!

Tapos, ano daw ang basa sa “managing”? Binanggit ng ina sa Filipino pa rin ang salitang “ma-na-ging”. Mali!

Ang isang bersyon ng patawa na ito ay basahin ang salitang saging ng limang beses. Magaling!

Pagkatapos ay ipabasa ang salitang “managing”. Ang baybay ay naging Filipino. Ekis!

Sinimulan ko ang kwento sa kababawan dahil ang paksa natin ay malalim.

Mainit ang usapin ukol sa pagpapabitiw sa pwesto ng isang mataas na opisyal ng pamahalan na may kinalaman sa coronavirus pandemic.

Nais ko sana na bigyan ng benefit of the doubt ang nasabing pinuno.

Sa totoo lang naman kasi, wala ni sinomang tagapamuno ng mga ahensya sa Pilipinas at sa ibang bansa na nag-aral para maging mahusay o sabihin na natin na nakahanda para tugunan ang suliranin ng CoViD-19.

‘Di maitatatwa na ang krisis na ito ay daig pa ang super special halo-halo na may isang dosenang sahog.

Ang pandemya na ito ay isa nang global health, economic, at social crisis kaya ang accountability measures ay napakataas.

“Who will do what and when?”. ‘Yan sa project management ay ang katawan o buod ng plano ng pagkilos.

Ang magkabilang dulo ng tanong na ‘yan ay “why are we doing this and how are we going to do it/how did we do it?”

‘Yan naman ang espiritu ng implementasyon.

Saklaw nito ang “managing people” at money-ging (finances).

Sa crisis management, unang-unang itinuturo ang konsepto ng trust o tiwala.

Lalo na sa isang public health emergency, “building and maintaining trust is fundamental”. Anila, public health advice given during an emergency “will be taken seriously only with trust”.

Ngunit may tiwala pa nga ba ang sambayanan sa pinuno na ito ng sangay ng gobyerno na sentro ng problema?

Maraming pagkatataon simula pa lang ng krisis na ito ay kinakitaan ng pabago-bago at walang tuntungang pahayag ang nasabing pinuno.

Siya pa naman ang inaasahan ng publiko na magbibigay ng makatotohanan at walang kinikilingang pahayag o polisiya sa ngalan ng pagsisilbi sa mga Pilipino.

Ang isang krisis ay kailangang pamunuan ng isang mahusay na lider o mga alagad ng lider para sa aspeto ng “managing stakeholders”.

At lahat sila ay dapat pinagkakatiwalaan.

Ang tiwala sa namumuno at sa buong organisasyon ay ang pinakamahalaga sa mga salik o factor sa pamamahala ng isang krisis.

Pinapalakas o pinapahina ito sa bawat pagkakataon na ang nasabing opisyal ay nagsasalita o nagku-“kuda”.

Binubuo ang tiwala ng mga elemento at may kinalaman sa “building blocks” ng crisis o disaster management.

Isa sa mga elemento ng crisis leadership ay ang impormasyong teknikal.

Dapat anila “evidence-based” ang balita o pahayag at ipinararating sa paraan na lubos na naiintindihan ng nakararami, at sinusuportahan ng sarili nyang kabaro.

Ngunit paano kung mismo ang grupo ng mga doktor ay wala nang tiwala sa kanya?

Kasi naman bawat salita ng lider ng ito ay mas marami ang nagdududa kaysa naniniwala.

Tinitignan kasi, halimbawa, sa mga doktor ang masusing paghahayag ng impormasyon para magbago ang pananaw ng tao sa kanilang kalusugan.

Likas naman sa tao na kung ano ang sabihin ng doktor kung tayo ay kumukonsulta ay sundin ang payo ni Dok lalo pa’t naipaliwanag nang husto ang sakit at ang lunas.

Kaya karugtong ng elemento ng technical information ay ang kredibilidad ng nagbibigay-pahayag.

Dito na pumapasok ang expertise at skills.

Sa kabuuan, nawawala ang kredibilidad o tiwala sa pinuno o eksperto na nagsisinungaling o nagtatago ng impormasyon.

Ang paniniwala sa namumuno ay kadalasang naiimpluwensya ng reputasyon ng pinuno at ng organisasyon.

Ang problema pati na sa punto ng “money-ging” tulad ng pagbili ng mga kagamitan, paggamit ng pondo, at sa pagpepresyo ng serbisyo na dapat sagutin ng health insurance ay naging maalingasngas pa rin.

Good character in crisis leadership means the leader is telling the truth, not omitting information, and is reliable.

Kung ganyan ang lider ay nagtitiwala ang tao. Panatag sila na alam ng lider ang problema at aakayin nya ang lahat para masolusyunan ang krisis.

Marami siguro sa atin ang nakapansin ng ganitong kalagayan ng mga namumuno sa atin lalo na sa paggamot sa pinakamatinding sakit ng ulo ng buong mundo ngayon.

Laging kaagapay ng tiwala ang transparency.

Ang full disclosure at open book policy ay mga sikreto sa pagiging malinaw at walang itinatagong pamamahala.

Tinatanggal nito ang mga duda at pinalalakas ang paniniwala ng tao sa mga namumuno na tama ang kanilang ginagawa.

Kinahihinatnan nito ay ang pagtanggap sa anomang sabihin ng pamahalaan — ideya man o proyekto o kaya ay sama-samang pagkilos.

Kalaban ng tiwala sa isang emergency ang maling impormasyon (misinformation) at tsismis (rumor).

“Impodemya” (infodemic; pandemya ng kaalaman) na maituturing ito kaya kasing bilis din dapat ng kidlat ang lider sa pagtugon sa information needs ng madla.

Bukod pa r’yan ang pagiging urgent at napakataas ng pangangailangan sa balita at impormasyon ng mga tao.

Kaya ang impormasyon na maayos na naipakalat ay nagpapatibay ng tiwala.

Sa mga pinuno, paano ba mabubuo at mapapanatili ang tiwala ng tao?

Ito ang mga maaaring gawin:

1) Maging bukas at tapat ang pagsasalita, at naaaninaw ang pagkilos (clarity avoids confusion)
2) Maging palagian, tuloy-tuloy o walang palya sa anomang ginagawa (consistency means “can-do” at “all-the-time attitude”)
3) Makipag-ugnayan agad at madalas (commitment to communicate)
4) Magpakita ng pakikiramay (care means words are aligned with service; not all talk, no action)
5) Maghayag ng kung ano ang alam, ang ‘di alam, at ano ang ginagawa ukol sa isang bagay o usapin (character, communication and capability)
6) Magbigay-lunas, maging maagap at magaling sa “follow-up” (competence)

Sa mga pamantayan na nabanggit, makikita ang “mental toughness” ng isang pinuno na nagtataglay ng composure, concentration, confidence, “cope-ability”, at cohesion of team (5Cs).

Kayo na ang magsabi kung taglay pa ng kalihim ng kagawaran na namamahala sa “law ng classroom” ng makulit at malikot na klase ng pandemya na nasa ating harapan ngunit ‘di nakikita.

Kaya pa ba n’ya?

Kung ang matikas na “managing” ay naging malamya na “saging” ay malaking problema ito sa bansang binabayo ngayon ng ibang klaseng bagyo.

Kaya mo ba ‘to?

Kung may katanungan ukol sa Life Coaching o may kwento kayo na nais ibahagi, maaaring mag-email sa coachalextr@gmail.com