https://www.abante.com.ph/wp-content/uploads/bato-dela-rosa-4-750x430-1-1.jpg

Tayo’y magtanim para marami ang kakainin

Mahigit nang dalawang buwan ang nakalipas mula noong ika-17 ng Marso kung saan inilagay ang buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine (ECQ). Marami sa panahong ito ang aking iginugol sa pagtatanim ng iba’t-ibang uri ng gulay sa kapirasong lupa sa likuran ng aking bahay. Nakatutuwa namang makita ang pagyabong ng aking mga pananim tulad ng kalabasa, kamatis at iba pa, at sa loob ng ilang araw ay may mga bunga na akong aanihin. Sino ba naman ang hindi masisiyahan sa pagkain ng sariwang gulay at prutas na ihahain sa hapag direkta mula sa pagkakapitas?

Kabilang sa mga tinalakay ang “food security” sa ating pagdinig sa Senado nitong nakaraang linggo. Dito ay ating iminungkahi kay Secretary William Dar ng Department of Agriculture ang pagsusulong ng pagtatanim ng mga prutas at gulay sa bakuran, katulad ng Green Revolution sa panahon ng dating Pangulong Marcos na nakatuon sa pagsusulong ng ‘food self-sufficiency’ sa buong bansa. Siguradong malaki ang maitutulong ng backyard farming o gardening, dahil maliban sa tipid na sa pagkukunan ng pagkain, masisiguro pa na sariwa at ligtas ito sa bawat hapag kainan. Kung lahat tayo ay magtatanim ngayong panahon ng ECQ, babaha ng gulay at prutas sa Metro Manila at mga probinsiya.

Ang isa pang napakagandang programa ng Department of Agriculture noong panahon ng dating Pangulong Marcos ay ang “livestock dispersal” kung saan nakatatanggap ang mga mamamayan ng alagaing hayop upang paramihin at ipasa sa kapwa mag-aalaga. Akin pang naaalala na kami mismo ay nabigyan ng isang baka na siyang inalagaan namin. Sa oras na nanganak yung aming baka, napunta na saamin ang mga anak nito, at ipinapasa narin ito sa kapitbahay at sa sino mang benepisyaryo na siya ring magkakaroon ng sarili nilang alaga pagkatapos ng programa.

Nakatutuwa naman malaman mula sa Department of Agriculture na sa kasalukuyan ay may ipinatutupad nang katulad na programa ang ating pamahalaan. Dapat rin nating samantalahin na ang ating kabataan ay nasa loob lamang ng ating mga tahanan alinsunod sa iba’t ibang community quarantine pati na sa pag bubukas ng klase sa Agosto sa pamamagitan ng alternative modes of learning kagaya ng online classes. Ibig sabihin nito, mas marami ring oras ang ating kabataan para sa backyard farming at livestock disperal. Maliban sa ito’y magsisiguro ng sapat na makakain para sa mga Pilipino, pinatataas din ng ganitong uri ng programa ang ‘skills’ o kakayahan at pagiging responsable ng ating mga kababayan, lalo na ang mga kabataan. At isa pa, sigurado akong marami sa ating mga kababayan ay kagaya ko na talaga namang nalilibang sa pagtatanim at pag aalaga ng mga pananim, isang bagay na kailangan natin upang hindi natin gaanong isipin ang mga problemang dala ng COVID-19.

Kaya naman, mga kababayan, magtanim tayo para mas marami at mas masustansya ang ating kakainin.