https://www.abante.com.ph/wp-content/uploads/abate-trycle.jpg

255 Mandaluyong tricycle driver na COVID positive naka-isolate

Hindi na pinayagang bumiyahe at sinailalim sa isolation ang 255 tricycle driver na nagpostibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Mandaluyong City, ayon kay Mayor Menchie Abalos.

“Ganyan kadami kasi naman close to 4,000 ang aming pina-rapid test kasi 8,000 ‘yung aming tricycle drivers, medyo nangangalahati na kami ngayon kaya out of 4,000, 255 ‘yung nagpositive sa rapid,” sabi ni Abalos.

Aniya, ang mga nagpositibo ay pawang mga asymptomatic at mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod. Paliwanag pa ni Abalos, “Hindi mo ma-trace kung sasabihin mo na nahawa kung kanino kasi nga random ‘yung aming ano eh. Iba-ibang barangays itong mga drivers na ‘to eh kaya di namin masabi kung nahawa kung kanino.”

“Kapag nagpositive sila sa rapid test, automatic ‘yan ipapa-swab natin, ‘yung PCR. Then, automatic din na i-isolate na namin sila and then of course, ‘yung kayang magpa-isolate sa bahay, home quarantine, o hindi kaya nilalagay namin sa isang gym or sa isang school namin…” dagdag pa nito.

Giit ng alkalde, hindi pa talaga maaaring bumiyahe ang mga public utiliy driver hangga’t walang rapid test. Dapat rin umanong may harang sa gitna ng driver at sa isang sakay nito. (Juliet de Loza-Cudia/ Janiel Abby Toralba)