Kasalanan ng kapatid, lumatay sa konsehal
by Edd ReyesMISTULANG lumatay sa isang konsehal sa lungsod ng Maynila ang kasabihan na makakapili ka ng mabuting kaibigan pero hindi mo kailanman magagawang pumili ng mabuting kapatid, magulang, anak o kamag-anakan,
Nito lang kasing nakaraang linggo, nabuwag ng mga tauhan ni Lt. Col. Magno Gallora, Jr. ang hepe ng Station 2 ng Manila Police District (MPD) ang sindikato ng ilegal na droga na pinamumunuan ng isang Michael Cuaresma na nagresulta sa pagkakadakip sa anim na katao, kabilang si Cuaresma at ang magkapatid na sina Jonathan, 33, at Janeth Fajardo, 27, matapos ang isinagawang buy-bust operation.
Sina Jonathan at Janeth ay nakababatang mga kapatid ni Tondo 1st District Councilor Jesus “Taga” Fajardo at barangay chairperson Josephine Fajardo.
Hindi naman siguro pagkakatiwalaan ng mga botante sa Unang Distrito si Konsehal Taga Fajardo kung hindi siya naging isang mabuting lingkod-bayan, gayundin ang kanyang kapatid na siya na ngayong barangay chairwoman sa kanilang lugar sa Almario.
Kaya lang, hindi talaga maiaalis na maging batik at lalatay sa kanilang pangalan ang pagkakadakip sa kanilang dalawang kapatid lalo na’t may kaugnayan sa ilegal na droga ang kakaharapin nilang kaso.
Noon pa man ay kilala na si Konsehal Fajardo o “Jessieng Taga” na operator ng illegal na tupada sa kanilang lugar pero kailanman ay hindi siya nasangkot sa illegal na droga.
Totoong illegal din ang operasyon ng tupada ni Jessieng Taga pero nakapagtatakang ibinoto pa siya, hindi lang nitong nakaraang halalan kundi nagwagi na rin siya noong una siyang tumakbo bilang konsehal na nangangahulugan na maraming nagtitiwala sa kanyang kakayahan at paglilingkod sa kapuwa.
Yun nga lang, kung hindi naging hadlang sa kanyang kandidatura ang pagiging operator noon ng illegal na tupada, nakakaladkad naman ngayon ang kanyang pangalan pati na ng kapatid niyang kabesa ng barangay sa mas mabigat na kasalanan, kung totoo man, na sangkot ang kanilang mga kapatid sa illegal na droga.
Mga pasaway, balik lansangan
UNTI-UNTI ng nararamdaman sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila ang pagsisikip ng daloy ng trapiko kahit pa nga hindi pa nailalagay sa general community quarantine (GCQ) ang Kamaynilaan.
Sa Rizal Avenue lang mula Maynila hanggang Caloocan at maging sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue, ramdam na ang pagsisikip ng daloy ng trapiko na palatandaang nawawala na ang takot ng mga motorista na lumabas ng kani-kanilang tahanan matapos ang mahigit dalawang buwang pananatili ng enhanced community quarantine ng Metro Manila.
Pero hindi lang ang pagsisikip ng daloy ng trapiko ang bubungad sa mga motorista, lalo na yung mga nagdaraan sa mga lansangan na malapit sa mga pampublikong pamilihan, dahil kapuna-puna rin ang unti-unting pamumutiktik na muli ng mga sidewalk vendors na umookupa, hindi lang sa bangketa kundi maliit na parte na mismo ng lansangan.
Tulad na lang dito sa Blumentritt area, kahit panay ang pasada ng mobile patrol ng Manila Police District (MPD) para pagbawalan ang mga vendors na sakupin ang lansangan, bumabalik at bumabalik pa rin sila kapag nakalagpas na ang mobile patrol.
Noong kasagsagan kasi ng puspusang paglilinis sa mga lansangan sa Maynila ni Mayor Isko Moreno, hindi lang mga pasaway na motorista ang nabahag ang buntot kundi na-disiplina rin ng kapulisan ang mga vendors kaya’t gulat na gulat ang marami nang biglang umaliwalas ang mga lansangan pero hindi rin naman nawalan ng hanapbuhay ang mga manininda dahil inilagay sila sa ayos ng alkalde.
Lalu pang lumuwag ang lansangan nang ideklara ng pamahalaan ang ECQ bunga ng pananalasa ng nakamamatay na coronavirus disease o ang COVID-19 dahil hindi pinayagang makapagtinda ang mga vendors na hindi pangunahing pangangailangan ang inilalako.
Pero ngayon, kahit walis na tambo, basahan, laruan o iba pang hindi naman kabilang sa pangunahing pangangailangan ay nakalatag sa mga bangketa sa Blumentritt kaya’t sa mismong kalye naglalakad ang mga mamimili.
Totoo na dapat ay payagan na rin naman na makapaghanapbuhay ang mga vendors lalo na’t kinakapos na ng ayuda ang pamahalaan pero sana, huwag abusuhin ang maluwag na panuntunan ng pulisya at pamahalaan at maging disiplinado sa paglalatag ng paninda upang muling maibalik sa ayos ang mga lansangan
Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363.