3 lalaki pinagtataga sa Caloocan, buhay!

by

SUGATAN ang tatlong lalaki, kabilang ang 17-anyos na estudyante, matapos silang pagtatagain ng tricycle driver na umano’y naghinalang napagtutulungan ng mga biktima ang anak niyang babae habang nakikipagsagutan sa kapatid na babae ng isa sa biktima kahapon ng madaling araw sa Caloocan city.

Kaagad na isinugod ng mga nagrespondeng mga barangay tanod sa Caloocan City Medical Center sina Angelo Sison, 17, Aljon Layag, 24, kapuwa nakatira sa 6207 Libis Nadurata St. Bgy. 18 at Leo Estrella, 29 ng 37 Burgos St. Bgy. 9  upang malapatan ng lunas sa tinamong sugat habang nadakip naman nina P/Cpl Michael Jones Jarlego at Pat Ariel Ortega na nagkataong nagpapatrulya sa lugar ang suspek na si Henry Perez, 46, ng 135 P. Burgos St.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Caloocan police chief P.Col. Dario Menor, dakong ala-1 ng madaling araw nang awatin ng mga biktima ang mainitang komprontasyon sa pagitan ng kapatid ni Sison na si Rhea at ang anak na babae ni Perez sa tapat ng bahay ng suspek.

Nang lumabas ng bahay si Perez, inakala umano nito na napagtutulungan ang kanyang anak kaya’t pumasok muli ng bahay at nang bumalik at armado na ng itak ay pinaghahataw muna ng puluhan si Estrella bago tinaga sa ulo ang binatilyo.

Tinangka namang umawat ni Layag subalit siya naman ang napagbuntunan ng galit ng suspek at pinagtataga rin na tumama sa kamay ng biktima.

Humingi naman ng tulong sa nagpapatrulyang mga pulis ang ilang mga nakasaksi sa pangyayari na nagresulta sa pagkakadakip kay Perez na nahaharap ngayon sa kasong bigong pagpatay sa piskalya ng Caloocan.