'Unrealistic' collection target ng BoC, ibinaba ng DBCC
by Vic ReyesMABILIS na kumilos ang ibat ibang sangay ng gobyerno nang iutos ni Pangulong Rody Duterte na kailangang makauwi na sa kanilang mga pamilya ang mga OFW na nakatigil sa mga quarantine facilities sa bansa.
Ayon sa utos ni PRRD, kailangang gamitin ang lahat ng resources ng pamahalaan upang siguruhing makauwi ang mga OFW sa loob ng pitong araw.
Marami kasi sa naka-quaratine na OFWs ang inabot na ng mahigit isang buwan pero hindi pa makakuha ng clearance dahil hindi pa lumalabas ang swab test result.
Ang hindi kasi natin maintindihan, matagal nang naglalabasan sa mga balita ang reklamo ng mga nakatenggang OFWs pero hindi naaaksyunan.
Kung hindi pa binigyan-pansin ito ng Pangulong Duterte ay baka hanggang ngayon, nakatengga pa sa mga quarantine facilities ang mahigit na 24,000 nating manggagawa.
Hindi rin natin masisisi ang DOLE, PCG at OWWA dahil umaasa lang naman sila sa inilalabas na resulta ng Department of Health.
Ang obserbasyon nga ng ating mga kababayan, nadaragdagan nga ang mga swab testing facility pero natatagalan naman ang paglabas ng resulta.
Parang balewala rin kahit madagdagan ang dami ng testing centers pero kapos naman ang mga laboratoryong magpo-process ng mga test.
Hanggat hindi naaayos ng DOH ang problemang ito, baka hindi natin makuha ang totoong datos kung ilan na talaga ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
At huwag rin natin kalimutan na mahigit 40,000 pang OFWs ang inaasahang dumating sa mga susunod na araw.
***
Kagaya ng inaasahan, ibinaba na ng gobyerno ang 2020 revenue target ng Bureau of Customs (BoC).
Mula sa "unrealistic" na P706.8 bilyon ay P520.4 bilyon na lang ang assigned tax take ng BoC sa taong ito.
Ayon sa ulat, ang pagbabago ng target ay dahil sa inaasahang "lower economic growth, lower imports and the drop in the tax base."
Ang nagtatakda ng revenue targets ng mga ahensiyang nangongolekta ng buwis ay ang Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Ang cabinet-level na DBCC ay pinamumunuan ni Wendel Avisado ng Department of Budget and Management (DBM).
Ang revision ng target ay kinumpirma nina Finance Undersecretary Gil Beltran at DBM Assistant Secretary Rolando Toledo.
Tama naman ang ginawa ng DBCC, lalo na't nandiyan pa ang COVID-19 pandemic.
Hangga't walang bakuna o gamot laban sa nakamamatay na sakit na 'yan, hindi makakaarangkada ang ating ekonomiya.
Marami pa ngang negosyo, industriya at opisina ang sarado.
Ang mga bukas na bahay kalakal naman ay hindi pa fully operational dahil kalahati lang ng kanilang work force ang puwedeng magtrabaho.
Malaking problema talaga ang kakaunting perang pumapasok sa kaban ng gobyerno.
Malaki ang ginagastos ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Sigurado tayong masakit na ang ulo ng mga economic manager kung saan sila kukuha ng perang gagamitin natin para mapuksa ang COVID-19.
Hindi naman puwedeng magtaas o magpataw ng panibagong buwis dahil hirap na nga ang taumbayan.
Ang maliwanag, kakailanganin na naman nating umutang sa labas ng bansa o ibenta ang mga ari-arian ni Juan dela Cruz.
***
Tama si Pangulong Rody Duterte na hindi dapat pumasok sa klase ang mga mag-aaral hangga't walang bakuna laban sa corona virus.
Kapag pinapasok sa eskuwela ang mga bata ay nandiyan ang posibilidad na lalong kakalat ang COVID-19.
Kapag nangyari ito ay baka mas marami na ang mahawa at mamatay.
Kung online ang gagamitin sa pagtuturo ay magastos ito sa mga magulang at wala ring kasiguraduhan na may matututunan ang mga bata.
Isa pa, hindi rin natin maaasahan ang signal ng internet.
Sa tingin natin ay mahirap ipagsapalaran ang buhay ng mga estudyante dahil sila ang kinabukasan ng ating bansa.
Huwag natin kalimutan na laging nasa huli ang pagsisisi.
***
(Para sa inying komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)