Ecija may bagong patakaran sa pag-uwi ng mga LSIs
by Christian SupnadCABANATUAN CITY -Ibinalita ng Nueva Ecija Provincial Tourism Office ang bagong patakarang ipatutupad hinggil sa mga uuwing Locally Stranded Individuals (LSIs)sa lalawigan.
Ayon kay Provincial Tourism Office Chief Jose Maria Ceasar San Pedro, dalawang dokumento na lamang ang kailangan ng mga LSIs para makauwi sa probinsya.
Ito aniya ay kinabibilangan ng medical certificate galing sa municipal o city health office na nakasasakop sa kasalukuyang tinitirhan gayundin ang travel authority mula sa tanggapan ng kapulisan.
Pahayag ni San Pedro, mas ginawang simple ang proseso at pantay-pantay para sa lahat kumpara sa dati na kailangan pa ang certificate of acceptance mula sa uuwiang lokalidad at iba pang dokumento.
Tagubilin ni Governor Aurelio Umali ay huwag kakalimutan ang mga patakarang ipinatutupad ng bawat munisipyo at lungsod sa pagsasagawa ng quarantine para sa mga bagong dating na residente.
Aniya, ang bawat pag-byahe ay may kaakibat na responsibilidad na sumunod sa mga panuntunang ipina-iiral sa bawat lokalidad.