https://www.abante.com.ph/wp-content/uploads/good-trip-6.jpg

‘Sa ikauunlad ng bayan, bisikleta ang kailangan’

Sumikat yung titulo na yan noong unang taon ng Marcos Martial Law. Ayon sa kuwento, pinagbunot ng damo ng broadcaster na nagsabi niyan bilang patawa sa slogan ni Marcos na, “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.”

Pero sa panahon ngayon, mukhang may katotohanan eto. Mismong ang Department of Transportation ang nagsusulong sa paggamit ng bisikleta hindi lang sa panahon ng GCQ, kungdi pati na sa pagbabalik sa normal na buhay. Hinihikayat ng ahensiya ang mga LGU na maglagay ng mga bike-lanes o bike-only roads para dumami ang gagamit ng bisikleta sa pagpasok sa trabaho.

Kung gagamit ang bisikleta, mapapabilis ang biyahe habang sumusunod naman sa physical distancing.

“Sa two-wheel transport, ang pinaka-importante po ang kaligtasan kaya’t kami po ay patuloy na nakikipag-uganayan sa mga LGU, sa pamamagitan ng DILG, gayon na rin sa MMDA, para magkaroon po ng lanes for bicycles, even for EDSA,” sabi ni DOTr Assistant Secretary Steve Pastor.

Sa Senado, isinusulong ni Sen. Pia Cayetano para gawin ang pagbibisikleta at paglalakad bilang primary means of travel sa panahon ng coronavirus (COVID-19) pandemic. Sabi ni Sen Pia, mas ligtas at maganda sa katawan ang bisikleta at paglalakad sa ngayong may pandemic. Mapapawi rin ang takot na magkasakit kung nakipagsiksikan sa bus, jeep, at train. Para isulong eto, importante ang pagkakaroon ng mga “people-oriented and pedestrian-friendly” bike lanes.

Kapansin-pansin ang malinis na hangin sa Kamaynilaan ngayong panahon ng lockdown dahil sa hindi paglabas ng mga sasakyang de gasolina at diesel.

Malaki ang iaasa sa DoTr, DPWH, at mga LGUs sa pagtatayo ng mga istruktura, tulad ng bike lanes at parking. Ang pribadong sektor naman ay maaring maglagay ng mga lockers para paglagyan ng gamit, at mga shower para sa mga papasok sa trabaho.

Ang Firefly Brigade sa pamamagitan ng Founder and Board Member, si Ms. Katti Sta. Ana ay nagpadala ng position paper hinggil sa temang eto. Ang Firefly Brigade ang pinakamalaki sa mga nagsusulong sa bisikleta bilang primary mode of transport.

Para mahikayat ang mga ordinaryong tao ng pagbibisikleta kinakailangan ang mga sumusunod mula sa mga ahensiya ng pamahalaan:

Network ng mga bike lanes na magkokonekta sa mga bayan ng Metro Manila;

Siguridad at kaligtasan ng mga nagbibisikleta sa pamamagitan ng mga harang, at pgtuturo sa mga motorista ng “road-sharing” at “give way to cyclists”;

Kilalanin ang paggawa at pagtitinda ng bisikleta bilang “essential” industry, at ang mga manggagawa nito bilang mga “essential personnel” sa listahan ng APOR para makapagsilbi sila sa publiko kahit may ECQ/MECQ.

Nasa ating mga mamamayan ang pagsuporta sa ideyang eto upang makakuha ng aksyon mula sa mga ahensiya ng gobyerno. Kung kaunti lamang ang magbibisikleta, bakit pa magtatayo ng mga istruktura?