https://www.abante.com.ph/wp-content/uploads/Abante-Sen-Joel-Villanueva-Mr-Trabaho-2.jpg

Kalagayan ng mga OFW sa quarantine

Mahigit sampung milyong Pilipino po ang nagtatrabaho sa humigi’t kumulang 200 bansa sa buong daigdig na humaharap ngayon sa krisis na dulot ng COVID-19.

Kaya halos dagsa po ang mga OFW na nagbabalik-bayan dahil karamihan sa kanila ay na-lay-off sa pinapasukang trabaho at tinanggap ang alok na repatriation ng gobyerno.

Sunod-sunod din ang pagdating ng mga barko at cruise ship sa Manila Bay lulan ang mga kababayan nating mga seafarer epekto ng pagtigil ng turismo at pandaigdigang kalakalan.

Sa ulat ng IATF, nasa 27,000 na ang mga repatriated OFW at inaasahang masusundan pa ito ng 42,000 pagtungtong ng buwan ng Hunyo.

Sa pag-aaral naman po ng Ateneo de Manila University na isinapubliko noong April 7, 2020, tinatayang aabot sa 300,000 hanggang 400,000 ang mga OFW na maaapektuhan ng COVID-19.

Nagsisimula pa lang ang pandemya, batid na po natin na magiging mabigat ang epekto nito sa mga OFW lalo na po sa mga Pilipinong nakadestino sa mga bansang may mataas na bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Ito po ang dahilan kung bakit sinuportahan natin ang social amelioration program (SAP) sa ilalim ng “Bayanihan To Heal As One Act” kung saan kasama sa mga benepisyaryo ng SAP ang mga “OFWs in distress” o mga nawalan ng trabaho at na-stranded dahil sa COVID-19.

Malaking tulong din ang one-time cash aid na P10,000 sa ilalim ng programang DOLE-AKAP para sa mga land-based at sea-based OFW na naapektuhan ng pandemya kasama ang mga Balik-Manggagawa.

Subalit hindi po ito sapat para masabing natutugunan natin ang pangangailangan ng mga kababayan nating itinuturing pa natin mismong mga bagong bayani ng ating bayan.

Sa simula’t sapul ay tila kulang na kulang po ang pagtugon sa kalagayan ng mga OFW na nasa iba’t ibang mga quarantine facility sa NCR at CALABARZON.

Halimbawa, naibalita noong Abril na may 300 OFW mula sa Kuwait, Qatar at Riyadh ang hinarang sa Nasugbu, Batangas dahil sa kakulangan ng koordinasyon sa pagitan ng OWWA at mga LGU.

Samu’t saring reklamo rin ang nakarating sa atin tungkol sa mga tinutuluyang quarantine facility ng ilang mga Pinoy seafarer na diumano ay marumi at “unhygienic”.

Parehong sitwasyon din ang naranasan ng ilang OFW mula sa Dubai kung saan kailangan nilang bayaran lahat ng kanilang pangangailangan maging ang inuming tubig sa loob ng isang barko na ginawang quarantine facility.

Kaliwa’t kanan din po ang mga nababasa nating post sa social media mula sa mga OFW na lampas na sa 14-day quarantine pero hindi pa rin pinapayagang makauwi at makapiling ang kanilang pamilya dahil wala pa ring resulta ang kanilang swab test.

May iba namang dalawang linggo na mula nang lumabas ang negatibong resulta ng kanilang swab test pero hindi pa rin makaalis dahil hindi pa nai-print ang kanilang “certificate” o “clearance”.

Labing-apat na araw lamang po ang protocol subalit maraming mga displaced returning OFW ang halos dalawang buwan ng nakatengga sa loob ng kanilang mga quarantine facility.

Ang masaklap, naiulat na may isang OFW ang nag-suicidehabang nasa loob ng kanilang quarantine facility at may iba pang nakakaranas ng matinding depresyon dahil sa pandemya at iba pang kaakibat na problema.

Sadyang napakahirap pong mawalan ng trabaho sa ngayon at dagdag pasakit pa ang tila kawalan ng aksyon ng pamahalaan sa negatibong sitwasyon ng mga OFW sa loob ng mga quarantine facility.

Nabalitaan natin kung paanong binigyang pugay ang isang OFW at frontliner na pumanaw dahil sa COVID-19 sa Amerika sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagwang-wang ng mga bumbero at ambulansya sa tapat ng pinagtatrabahuhan nitong ospital sa New York.

Nakuhanan naman ng larawan ang mismong Prime Minister ng UK na si Boris Johnson habang suot-suot nito ang isang t-shirt na may tatak na “Pilipinas” na tila isang pagpapasalamat sa mahigit 18,000 mga Pinoy nurses na nagtatrabaho sa National Health Service o NHS ng UK.

Kung ganito po kinikilala sa ibang bansa ang ambag ng ating mga OFW, wala na pong iba pang angkop na panahon para ipakita rin ng ating gobyerno sa kanila ang pag-aalaga at pagpapahalaga sa kontribusyon nila sa ating ekonomiya bago ang pandemya.

Nananawagan po tayo sa lahat ng ahensya ng pamahalaan lalo na po sa OWWA, POEA at DOLE na lalo pang magpursigi para damayan ang ating mga OFW, gumawa ng mga hakbang para mabigyan sila ng trabaho, at tiyaking matutugunan ang hinaing ng mga OFW na nananatili pa rin sa loob ng mga quarantine facility.