Eid Mubarak
Isang mapayapang selebrasyon ng Eid’l Fitr para sa lahat ng ating kapatid na Muslim sa bansa at sa buong mundo!
Ang akin pong tanggapan, ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay nagpapaabot ng mainit na pagbati sa espesyal na araw na ito sa mga mananampalataya ng Islam.
Natapos na po ang ang isang buwang pag-aayuno o fasting sa panahon ng Ramadan at naging malaking hamon ito sa ating mga kapatid na Muslim dahil sa dinaranas na krisis ng buong mundo dulot ng COVID pandemic.
Maraming mga tradisyon ang binago ng COVID pandemic, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Subalit hindi nagawang buwagin ng kamandag ng virus ang pananampalataya at paniniwala ng ating mga kapatid na Muslim kay Allah.
Bagamat ipinagbawal ang mass gathering at iba pang religious activities, hindi naging balakid ito sa mga kapatid na Muslim para hindi ituloy ang pag-aayuno at pagdarasal sa loob ng kani-kanilang mga tahanan mula sa dating nakagawiang pagsamba at pagdarasal sa kanilang mga mosque.
Tatlong araw na ipinagdiriwang ang Eid’l Fitr at bilang pakikiisa ng gobyerno sa selebrasyon ng mga Filipino Muslim sa okasyon, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang May 25, araw ng Lunes bilang pista opisyal sa buong bansa.
Dahil halos lahat ng panig ng bansa ay naka-quarantine dahil sa COVID-19 pandemic, hinikayat ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ang mga mananampalataya ng Islam na gawin na lamang sa loob ng kanilang tahanan ang pagdarasal at mga nakagawiang tradisyon sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr.
Ibig sabihin, walang magaganap na pagdalo ng communal prayers, pakikinig ng “khutba” o sermon sa kanilang mga mosque at ang pamimigay ng “zakat al-fitr” o pamamahagi ng pagkain sa kapwa.
Sa kabila ng mga pagbabagong ito dahil sa COVID-19, hangad ko po ang katatagan at lakas ng loob ng bawat isang mananampalataya ng Islam sa pagharap sa epektong dulot ng pandemyang ito, at ang patuloy na pagsunod sa mga utos at turo ni Allah.
Sadyang malaki ang idinulot na epekto sa buhay ng bawat tao ang pamiminsala ng COVID-19, subalit hindi nito nakayang buwagin ang katatagan ng paniniwalang espiritwal lalo na ang mga banal na tradisyon sa Islam.
Umaasa po ako na sana ay magpapatuloy ang pagsunod sa umiiral na panuntunan sa social distancing sa mga komunidad habang ipinagdiriwang ang Eid’l Fitr.
Nagpapasalamat din po tayo sa NCMF dahil sa bukas na pagtanggap sa posisyon ng gobyerno na ipagbawal muna ang mga maramihang pagtitipon at religious activities, gaano man kahalaga at kasagrado ito, gayundin ang pagtugon sa direktiba ng gobyerno na mahigpit na ipairal ang social distancing sa kanilang mga komunidad.
Sa buong panahon ng Ramadan hanggang sa selebrasyon ng Eid’l Fitr ay ipinakita ng ating mga kapatid na Muslim ang pakikiisa sa panawagan ng gobyerno na unahin at tiyakin ang kaligtasan ng bawat isa nang hindi naisantabi o nabalewala ang kanilang pagsunod sa pinakamahalagang tradisyon ng kanilang paniniwala.
Muling napatunayan sa panahong ito na kahit gaano man kabigat ang hamon at gaano man kapanganib ang banta ng COVID-19 ay hindi nito kayang buwagin ang pundasyon ng matibay na paniniwala ng isang relihiyon gaya ng Islam.
Muli po, hangad ko at ng ating gobyerno ang isang makabuluhang selebrasyon ng Eid’l Fitr sa lahat ng ating mga kapatid na Muslim sa buong bansa at sa buong Mundo.
Eid Mubarak!