Vince Dizon kinunsinti ni Roque: Duterte sumabog sa over quarantine
Mistulang sumabog si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa perwisyong sinapit ng 24,000 overseas Filipino workers na natengga at mistulang naging mga bilanggo sa iba’t ibang quarantine facility sa Metro Manila dahil sa paghihintay sa resulta ng kanilang COVID-19 test.
Kaya naman kagyat na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Labor and Employment (DOLE) , Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Health (DOH) na pauwiin na sa loob ng isang linggo ang mga stranded OFW sa kanilang mga probinsya.
Ipinagamit na ng Pangulo ang lahat ng resources ng nasabing mga tanggapan para matiyak na maialis na sa Metro Manila ang mga na-stranded na Pinoy workers na karamihan ay nawalan ng trabaho sa ibang bansa dahil sa pandemic.
Sa pinakahuling ulat nasa 34 porsiyento pa lang ang nati-test ng gobyerno sa ilalim ng pamumuno ni COVID-19 testing czar at Bases and Conversion Development Authority (BCDA) chairman Vince Dizon.
Ang Philippine Red Cross naman katuwang ang private sector ay nakapag-test na ng 66 porsiyento.
Nauna nang pinangako ni Dizon na palalawakin at pabibilisin ang pagsasagawa ng virus testing sa bansa sa ginawang pagbubukas ng swabbing center sa Palacio De Maynila noong May 5. Ipinangako rin nito na kaya ng Philippine Red Cross na i-proseso ang mga makukuhang specimen sa loob ng 48 hanggang 72 oras.
“If we can achieve that, theoretically matatapos nating i-test [ang 20,000 OFWs] in five days,” sabi pa nito noon.
Kung tinupad umano ni Dizon ang pangako nito ay hindi mangyayari ang pagkabinbin ng mga resulta ng COVID test sa halos 24,000 OFW na nakatengga ng mahabang panahon sa mga quarantine center sa Metro Manila.
Dinipensahan naman ni Presidential Spokesman Harry Roque ang kapalpakan at iginiit na ang testing centers ang dahilan kung bakit natagalan ang paglabas ng resulta ng swab test ng mga OFWs na nag-overstay sa mga quarantine facilities.
Ayon sa kalihim, bago naging trace, test and treat czar si Dizon ay iilan-ilan pa lamang ang COVID testing centers na siyang panahong maraming OFW ang umuwi sa bansa.
“Bago dumating si Vince Dizon mabibilang lang sa kamay ang laboratoryo natin. Ngayon po, dumami na nasa 66 laboratory na tayo,” ani Roque.
Samantala, makakauwi na simula Mayo 25 hanggang May 27 ang halos 24,000 overseas Filipino workers (OFW) na sumailalim sa mandatory quarantine at nag-negatibo sa swab o RCT-PCR tests sa iba’t ibang quarantine facility.
Ito ang ipinahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte. Inatasan nito ang composite team ng Philippine Coast Guard (PCG) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ayusin sa susunod na tatlong araw para sa daily trips ng 8,000 OFWs sa pamamagitan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at NAIA Terminal.(Aileen Taliping/Mina Navarro)