Pasay City Councilor Moti Arceo, maginoo pero barako!

by

VIRAL sa social media ang panggagalaiti sa galit ni Pasay City Councilor Moti Arceo nang makita na sa loob ng session hall ng Sangguniang Panglungsod mismo isinasagawa ang rapid test para sa COVID-19.

Marami ang pumuna at bumatikos, ngunit marami rin ang nagbigay ng simpatya at pang-unawa sa beteranong konsehal.

Kitang-kita sa video ang ginawang paninigaw at pagmumura habang ang lima hanggang anim na health workers na nakasuot ng ‘personal protective gear’ (PPE) ay halata namang nagulat at natakot sa inasal ni Arceo.

Kaagad binatikos ni Dr. Ronaldo Puno, presidente ng Philippine Association of Medical Technologist Inc. (PAMET), ang inasal ni Arceo.

Aniya, nakakalungkot ang ganitong uri ng pangyayari at hindi kailanman dapat dumanas ng ganitong uri ng pangha-harass ang mga medical technologists na ibinubuwis ang kanilang buhay sa gitna ng pandemiko ng COVID-19.

Humingi rin naman agad ng paumanhin si Moti sa mga ‘health workers’ na nasa session hall noong nagdaang Martes. Ipinararating din nito ang sinserong paghingi ng sorry sa pamunuan ng PAMET. Katunayan, isang pormal na mensahe ng pagpapaumanhin ang ipadadala niya sa tanggapan ni Dr. Puno.

Sinabi ni Moti na anuman ang kahantungan ng ipinakita niyang emosyon, nakahanda siyang harapin iyon at binigyang-diin na hindi mga health workers ang kanyang sinigawan at minura.

“Taus-puso po ang paghingi ko ng paumanhin sa kanila. ‘Dun sa mga nasaktan sa naging reaksiyon ko, lalo na iyong mga medtech, wala akong personal na galit sa kanila. Mabuti’t may video na nagpapatunay na ang aking mura ay ‘expression’ ng aking galit at hindi talaga para sa kanila,” sabi ni Moti sa pag-uusap namin sa telepono kaninang umaga.

Kumalat din sa social media ang isang memorandum na pirmado ni Pasay City Human Resource Department head  Atty. Maviric Sevilla na isailalim sa rapid testing ang mga City Hall employees.

Ngunit ayon kay Moti, wala siyang natanggap na ganitong memo at sa social media na lang niya nabasa ito.

Kahit ang mga kapwa niya konsehal ay walang natanggap na kopya ng memo at lalong hindi nila alam na sa session hall gagawin ang rapid testing.

Ang dapat aniyang sisihin dito ay si City Health official Dr. Cesar Encinares na noon pang Martes ay hindi pa rin nakikipag-usap sa kanya.

“Kaibigan ko iyan (Encinares). Tinatawagan ko nung Tuesday pa. Ang galang ko pa nga sa text kasi gusto ko malaman mismo sa kanya kung may dapat bang protocol na i-apply. At hanggang ngayon, ‘di s’ya sumasagot sa akin,” ani Moti.

Ani Arceo, hindi  biro ang ginagawang pakikipaglaban ng pamahalaang-lungsod sa COVID-19. “Alam na natin ang ‘behavior’ ng virus, wala pang gamot. ‘Di bale kung lagnat lang ang pinag-uusapan. Highly contagious sa buong mundo. Tumawid ng dagat at hindi natin nakikita ang kalaban.” sabat pa ni Moti

“Hindi pinag-isipan, hindi seryoso sa pag-iingat. Mapupunta lang sa wala ang effort ng Pasay na gumagastos na ng daang milyon piso at iyong isang ahensiya na pinagkakatiwalaan natin ay bara-bara sa trabaho,” dagdag pa ni Arceo.

Ang masaklap, sabi pa ni Moti, Martes nangyari ang ginawa niyang paninita, ngunit nito lamang nagdaang Sabado nakapagpa-disinfect ang City Hall.

Matapos ideklarang MECQ ang Metro Manila, marami nang Pasayeno ang nagpapatuloy ng transaksiyon sa munisipyo. Paroo’t parito ang kanilang kababayan at marami ring opisina’t departamento ang bukas bagaman ‘skeletal force’ lamang.

Isang pagpupulong na ang inihahanda ni Pasay City Mayor Rubiana ‘Emi’ Calixto para sa mga konsehal ng Pasay at ilan pang departamentong sangkot sa pagsugpo sa COVID-19. Nalulungkot aniya ang mayora dahil nagkaroon ng ‘misunderstanding’ at ‘miscommunications,’ ngunit tiniyak nito na maaayos din ang lahat.

Si Calixto ay ilang buwan ding nagpa-quarantine matapos mapaulat na na-expose ito sa COVID-19 positive. Isa rin ito sa tinitingnan nating dahilan kung bakit gumagawa ng sariling desisyon ang ilang ‘department head’ sa City Hall.

Matagal ko nang kilala si Moti. Dekada ’90 ay police reporter ako at kinokober na natin ang southern part ng Metro Manila, kabilang ang Pasay.

Sa mga nakakakilala kay Moti, masayahin ito at hindi mo makikitaan ng yabang o galit sa katawan.

Kaya nga nang mapanood natin  ang ginawang paninigaw at pagmumura ni Moti, alam ko kaagad na resulta na iyon ng labis na ‘stress,’ ‘anxiety’ o ‘frustration’ likha ng pandaigdigang giyera kontra COVID-19. Tulad ng mga ‘health workers,’ pati mga konsehal ay mga ‘frontliner’ din na halos sinasalo rin lahat ang problema ng ating mga kababayan.

At kahit sino ay magagalit kung sa mismong tahanan mo – tulad ng session hall na ikalawang bahay ng mga konsehal – ay makikita mong may ‘rapid test’ palang ginagawa nang wala man lang abiso sa iyo?

Tama si Moti, kung sa mga hospital ay sa parking lot o naglalagay ng tent sa labas ng pagamutan para sa rapid, eh bakit nga naman sa loob ng session hall na alam nating malaking panganib hindi lamang sa buong Sangguniang Panglungsod kundi sa mga empleyado ng Pasay mismo na umuuwi rin sa kani-kanilang bahay at posibleng makahawa sa kanilang pamilya.

Karapatan ninuman na magpahayag ng kanilang batikos laban kay Arceo, pero nasisiguro ko na karamihan sa mga ‘bashers’ na ‘to ay hindi taga-Pasay dahil sa 30 taong panungunkulan ni Moti bilang ‘eight-term councilor,’ kilala nila itong isang maginoo at barako na siyang tunay na tatak ng Pasayeno!