Totohanang bike lane!

by

MALAKING bagay naman talaga kung magbisikleta na lamang papasok ng trabaho o sa paaralan ang ating mga kababayan.

Bukod sa benepisyo sa ating kalusugan, makakatulong ito nang malaki sa paglinis ng ating hangin dahil wala itong usok na ibubuga sa kalsada kumpara sa mga kotse o mga pampublikong sasakyan.

Mababawasan din nito ang problema sa trapiko at magkakaroon ng totoong social distancing.

Ako mismo, gusto ko rin magbisikleta na lang kung may bibilhin sa kanto o sa hindi kalayuan sa aming tahahan. Isipin mo kung nakakotse ka pa sa pagbili lang ng isang tali ng kangkong sa talipapa, problema mo ang parking at problema mo rin kung paano makalusot sa trapik.

Isa sa magandang naidulot ng virus scare na ito ay naibalik sa ating kaisipan ang magbisikleta. Iyong mga bike sa likod bahay or sa bodega na hindi na nagagamit ay magkakaroon ng resureksiyon sa kalsada.

Ang problema lamang, kung magbibisikleta ka papasok sa opisina o eskuwela, hindi mo alam kung makakabalik ka pa nang buhay sa iyong pamilya. Una, wala naman talagang dedicated bike lane sa ating bansa, lalo na dito sa Metro Manila. Para kasing huling paalam mo na sa iyong pamilya kapag lumabas ka nang nakabisikleta!

May sound suggestion ang kaibigan nating si DPWH Region 3 Director Dong Tolentino na magkaroon ng elevated bike and pedestrian walkways sa Edsa para mas maraming makaisip na iwanan na lamang ang kanilang mga sasakyan sa garahe.

Kung hindi man maging regular, at least, may dalawa hanggang tatlong beses isang linggo ay puwedeng nakabisikleta lang ang mga may sariling sasakyan. Dapat magkaroon na ng blue print ang DPWH para sa konstruksiyon ng bike lane hindi lamang sa Metro  Manila, bagkus ay sa buong bansa.

Maisulong sana ni Secretary Mark Villar ang separate at dedicated bike lane kahit maging pilot muna ang EDSA. Alam nating hindi mabilis na magagawa ang elevated bike ar pedestrian lane na sinasabi ni Director Tolentino kaya puwedeng unahin muna ang nasa ibaba dahil separator lang ang kailangan. Pag sinabing bike lane, dapat bisikleta lang talaga at hindi puwede ang motorsiklo.

Sakto rin naman ito kasi ipapatupad na nila DOTR Secretary Art Tugade ang one bus route sa EDSA kapag nagbalik na tayo sa normal. Ibig sabihin, North and South bound bus na lang ang dadaan sa EDSA dahil wala nang lalabas na bus mula sa Rizal, Ortigas at Cubao, mula sa Fairview QC, mula sa Malabon-Navota-Valenzuela at mula sa Manila.

Halos 50% ang bus na mawawala sa EDSA kung mula Baclaran at Monumento lamang  ang puwedeng dumaan kaya mas puwedeng bigyan ng dedicated bike lane ang ating mga kababayan.

Push na natin yan, Sec Mark, para maipagawa ko na ang kinakalawang kong bisikleta!

allanpunglo@gmail.com