https://www.abante.com.ph/wp-content/uploads/lucio.jpg

Lupa ni Lucio Tan sa Marina presyong ginto

IBINIBENTA umano ng bilyonaryong si Lucio Tan ang apat na hektaryang lupain sa Asiaworld Marina district sa Parañaque sa pres­yong nakalulula, ayon sa ilang buyer.

Ang nasabing lote ay bahagi ng 173 hektaryang Asiaworld Complex na itinayo ng yumaong Chinese-Filipino billionaire na si Tan Yu na siyang nanalo sa bidding ng reclaimed property noong 1988.

Batay sa naunang ulat ng online news site Bilyonaryo, gusto ni Tan pumasok sa joint venture sa pamamagitan ng kanyang real estate company na Eton Properties.

Ang Marina at ilang reclaimed property sa Manila Bay ay isa sa pinakamabentang ari-arian sa merkado sa kasalukuyan dahil na rin sa pamamayagpag ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), su­balit marami sa mga buyer ay nagulat sa madugong presyo ng lupang ibinibenta ni Tan.

Nasa P500,000 per square meter umano ang bentahan nito kaya’t aabot sa halos P20 bilyon ang kabuuan ng apat na hektaryang lupain ni Tan sa Asiaworld Marina.

Lubhang mataas umano ang halaga nito kung ikukumpara sa mga lupang ibinibenta sa Manila Bay na P200,000 per square meter para sa residential at P350,000 para sa commercial.

Ikinumpara rin ang nasabing madugong presyo sa mga lote sa pinakamahal na luxury village na Forbes Park at Dasmariñas Village na nasa P400,000 hanggang P450,000 ang presyo kada square meter, ayon sa Leechiu Property Consultants.

Halos hindi umano naglalayo ang pres­yo ng lote sa nasabing ultra exclusive village noong nakaraang taon na P375,000 per square meter sa Forbes Park habang P474,000 sa Dasmariñas Village.

Pinakamahal naman ang Bonifacio Global City (BGC) na nasa P1.3 milyon per square meter kung saan pinapayagang magtayo ng matataas na gusali na hindi naman pinapayagan sa Marina dahil sa reclaimed nitong lupain.