PUI sa coronavirus patay sa heart attack
NASAWI ang isang 71-anyos Chinese national na patient under investigation (PUI) sa coronavirus disease 2019 (COVID -19) sa La Union.
Gayunman, nilinaw ni Health Asst. Secretary Ma. Rosario Vergeire sa isang press briefing na ang nabanggit na PUI ay nasawi dahil sa cardiovascular attack noong Pebrero 12 at nitong Pebrero 13 lamang inireport sa DOH at hindi dahil sa COVID-19.
Nabatid na ang PUI ay negatibo sa COVID-19 base sa isinagawang pagsusuri.
Tumanggi na rin ang DOH na magbigay ng anumang detalye kaugnay sa nasawing PUI.
Samantala, hanggang nitong alas-12:00 nang tanghali kahapon, sinabi ng DOH na nasa 386 PUI na ang nagnegatibo sa virus sa isinagawa nilang pagsusuri, habang nakabinbin pa ang mga test result ng 66 na kaso.
Nalaman na may 191 PUI pa rin ang naka-admit sa iba’t ibang health facility habang kabuuang 260 patient ang na-discharge na, kabilang ang dalawang confirmed case.
“We are glad that most of our PUIs tested negative for 2019-nCoV. While this is very welcome news, we at the DOH will continue our preparations for the possibility of local transmission,” ayon kay Vergeire.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na isang 25-anyos na binabantayan sa Athlete’s Village sa New Clark City sa Tarlac ang dinala sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital dahil sa lagnat at pananakit ng tenga.
Nabatid na ang naturang PUI ay nagnegatibo naman sa COVID-19 test at ginamot sa ear infection at muling ibinalik sa NCC para makumpleto ang 14 araw na quarantine period.
Habang isa pa ring 25-anyos na repatriate na babae ang ni-refer sa Bataan General Hospital and Medical Center kahapon para sa mas masusing ebalwasyon at management matapos na makitaan ng mga anxiety-related symptom.
Ang iba pa namang repatriate na galing Wuhan, China na nasa quarantine ay nananatili namang walang respiratory symptom.
Base naman sa ulat ng Epidemiology Bureau, 277 nang contact ng una at ikalawang confirmed case ng COVID-19 ang na-interview nila; 218 ang nakakumpleto na ng 14-day home quarantine habang 15 ang nananatiling naka-quarantine.
Nasa 44 contact naman ang symptomatic at admitted na bilang PUI. (Juliet de Loza-Cudia)