https://www.abante.com.ph/wp-content/uploads/bersamin-6.jpg

Bersamin bagong GSIS chairman

ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Supreme Court (SC) Chief Justice Lucas Bersamin bilang kapalit ni Government Service Insurance System (GSIS) Chairman Ronald Macasaet.

Inilabas ng Malacañang ang appointment paper ni Bersamin nitong Biyernes kung saan nakasaad na inaprubahan ng Pangulo ang kanyang nominasyon bilang GSIS chairman noong Pebrero 6, 2020.

Sinabi ni Presidentiasl Spokesman Salvador Panelo na itinalaga rin si Bersamin bilang miyembro ng Board of Trustees ng GSIS.

Ayon kay Panelo, hindi matatawaran ang record ni Bersamin sa paglilingkod sa gobyerno kaya’t inaasahan ng Malacañang na ganito rin ang gagawing pagsisilbi sa GSIS bitbit ang kanyang dedikasyon at integridad.

Si Bersamin ay nagsilbi ng 10 taon sa SC bilang associate justice at naging punong mahistrado noong 2018 bago nagretiro sa serbisyo. (Aileen Taliping­/Prince Golez)