Mga bulaang propetang sumisigaw ng Press Freedom
by Allan EncarnacionMARAMING nagpapanggap na nagpapahalaga sa press freedom.
Dahil isyu ng quo warranto na inihain ng Solicitor General laban sa ABS-CBN, parang mga natubigang palaka na naman ang kung sinu-sino dyan.
Lahat na lang umaastang ipinaglalaban ang press freedom, lahat na lang, ang tingin sa isyu ay pagkitil sa kalayaan sa pamamahayag.
Ang mga taong ito or grupo na ito, kung hindi kapuputol pa lang ng pusod, malamang ay nakikisakay lang.
Ang totoo, sino ba naman ang papayag na kitlin ang kalayaan sa pamamahayag? Lahat naman tayo, gustong sumigaw ng kanya-kanyang saloobin kahit nga ang iba, estupido ang mga sinasabi.
Pero marami sa atin ang ipokrito na hindi talaga nakakaalam sa kalakaran ng media in general, hindi lang sa ABS-CBN.
Ang totoo, iyong isinisigaw nating press freedom kuno ay isa lamang imahinasyon. Lahat ng kalayaan ay may limitasyon.
Ang limitasyon na sinasabi ko ay hindi lamang iyong ala berde o amok na kalayaan sa pamamahayag. Iyon tipong lahat ng nasa isip mo ay gusto mong sabihin kahit wala kang batayan o imbento lang.
Ang sinasabi kong limitasyon at totoong pumapatay sa press freedom ay mismong mga media company. Inuulit natin, hindi ito tungkol sa ABS-CBN. Media in general.
Ang mismong mga kompanya ng media ang siyang pipigil sa gustong isulat or gustong ibrodkas ng kanilang mga reporter.
Halimbawa, puwede mo bang isama sa expose mo ang sponsor o advertisers ng kompanya? Kahit ano pang laki ng istorya or nakataya pa ang pakinabang ng bayan, hindi pa rin papayagang mailabas yan dahil nga pinagkakakitaan ng kompanya. Hindi ba’t pagpatay din ito sa press freedom?
Isa pang halimbawa, maglalabas ka ng video ng pang-aabuso, pagnanakaw at aktual na katiwalian ng isang tao na kaibigan o kumpadre ng may-ari, sa tingin mo mailalabas mo yan sa ere? Hindi ba’t pagkitil din yan sa press freedom?
Maraming ganyang kaso pero iyong mga grupo at tao na naririnig mong sumisigaw ng press freedom ngayon para sa ABS-CBN, mga ipokrito yan na walang ginagawa para ayusin ang sistema.
Ang totoo, kaya sila nakikisakay, kasi nga ABS-CBN yan at hindi patakbuhing istasyon. Umaasa kasi silang mabanggit sa mga balita ng dos ang kanilang pangalan o organisasyon.
Case in point, iyong mga brodkaster na pinapasok ng mga mayor habang naka-board sa istasyon sa probinsiya na minsan sinusungalngal pa ng mikropono, iyong pinasarang istasyon ng governor at mayor sa isa pang probinsiya, kumibo ba kayong mga ipokrito?
Kaya wala kayong pagkilos para sagipin or ipagtanggol man lang ang mga kapatid natin sa media sa probinsiya ay dahil wala kayong mapapalang leverage!
At huwag na rin kayong magpanggap na protektor kayo ng mga media worker na posibleng mawalan ng trabaho dahil sa mismong mga bakuran at kompanya nyo, puro unfair labor practice ang umiiral.
Maraming media workers ang over worked pero underpaid subalit wala tayong naririnig na tumatayo para ayusin ito.
Kaya nga hindi ako kumikibo sa social media dahil gustung-gusto lang na pinanood ang mga ipokritong mapagmalasakit sa press freedom.
Kung may tinatawag na mga bulaang propeta ng press freedom, sila na iyon!
allanpunglo@gmail.com