213 patay, 10K nadale ng coronavirus
Parami na nang parami ang bilang ng mga namamatay sa Novel Coronavirus (2019-nCoV) sa mainland China.
Sa pinakahuling ulat, hanggang nitong alas-10:00 ng umaga ng Enero 31 ay nasa 213 na ang namamatay habang nasa 9,776 ang kumpirmadong kaso ng mala-pneumonia na sakit sa buong mundo, kabilang ang 9,658 mula sa mainland China.
Sa Hubei na lalawigang sentro ng outbreak ay nakapagtala ng 42 karagdagang bilang ng nasawi kaya umakyat na sa 204 ang biktima base sa inilabas na pahayag kahapon ng Health Commission sa Hubei Province.
Maliban sa mga nasabing kaso sa China ay nakapagtala rin ng 100 sa iba’t ibang bansa kabilang sa US na naitalang kauna-unahang human-to-human transmission ng coronavirus na nagmula sa babaeng bumiyahe sa China at nahawahan ang kanyang mister.