PAL sinuspinde biyahe sa China, CebuPac nagbawas
Pinabatid kahapon ng Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific na nag-adjust sila ng mga biyahe sa mainland China kaugnay ng unang kumpirmadong kaso sa bansa ng Novel Coronavirus mula sa Wuhan, Hubei.
Kinansela ng PAL ang mga charter flight sa pagitan ng Kalibo, Aklan at Nanjing, Hangzhou, at Pudong Shanghai sa China bilang tugon sa pagbabawal ng mga Chinese authority sa mga turista sa mainland China.
Gayunman, tuloy pa rin anila ang mga scheduled flight sa pagitan ng Manila at Beijing, Pudong Shanghai, Guangzhou, Jinjiang, Xiamen, Hong Kong at Macau.
Samantala, magbabawas naman ang Cebu Pacific ng mga flight sa pagitan ng Pilipinas, mainland China, Hong Kong, at Macau mula Pebrero 5 hanggang Marso 29, 2020.
Ayon kay Charo Logarta, tagapagsalita ng Cebu Pacific, maaaring alamin ng mga apektadong pasahero ang sitwasyon ng kanilang mga flight sa pamamagitan ng manage booking portal sa website ng nasabing airline company.
May mga option din na ibinigay ang Cebu Pacific na mapagpipilian ng mga pasahero sa mga kanseladong flight tulad ng pagpapa-rebook ng bagong flight schedule sa loob ng 30 araw mula sa orihinal na petsa ng kanilang biyahe o refund na walang babayarang penalty. (Shernielyn Dela Cruz/Otto Osorio)