Pogi points!
Nakalikom na ang Team Philippines ng kabuuang 322 medalya o 127 gold, 95 silver at 100 bronze habang isinusulat ko ang kolum na ito kahapon.
Kung susumahin ang mga natitirang gold medal event, wala na talagang tsansa ang mga kasunod na Vietnam, Indonesia at Thailand para ungusan pa ang gold medal haul ng Pilipinas.
Ibig sabihin, biyahe na po tayo sa ikalawang overall crown sa Southeast Asian Games na una nating nagawa sa third hosting natin ng kada-dalawang taong multi-sporting event noong 2005 SEA Games.
Siyempre pa, kanya-kanya na namang credit grabbing ang mga opisyales sa tagumpay nating ito.
Bakit nga naman hindi?
Matapos ang mga kapalpakan bago magsimula ang 30th SEA Games nitong Nobyembre 30 ay humarurot na sa medal standings ang ‘Pinas.
Instant pogi points nga naman agad ito sa mga sports official na tiyak kaliwa’t kanang interview sa mga taga-media upang akuin ang tagumpay ng mga atleta.
Hay naku!
***
Binabati natin si Jerwin Ancajas na kamakalawa lang ay tagumpay na naidepensa sa ikawalong pagkakataon ang kanyang International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight title nang i-TKO sa sixth round si Miguel Gonzalez sa kanilang laban na ginanap sa Puebla, Mexico.
Actually, overmatch ang laban.
‘Ika nga eh, hindi pa tumutunog ang opening bell, lista na ‘yan!
Kabi-kabilang good news ang nangyayari sa Philippine Sports, napakagandang Pamasko po sa ating lahat kaya muli ang pagbati ng Benchwarmer kay Jerwin at sa lahat ng atletang Pinoy.
Mabuhay kayo!