14 sugarol timbog sa Bulacan
NASAKOTE ng pulisya ang siyam na mananabong at limang nagto-tong its makaraang magsagawa ng ng anti-illegal gambling operation sa magkahiwalay na lugar sa Malolos City at Norzagaray, Bulacan kamakalawa nang hapon.
Nahaharap sa kasong illegal gambling ang mga naaresto sa tupadahan na sina Jasper Alejo, 20; Francis Dela Concepcion, 19; Roel Pongpong, 38; Jeryco Tacis, 30; Vivencio Agte, 28; Nelson Flaminia, 24; Eric Luna, 36; Jun Alfon, 46; at Arnold Isip, 52, pawang residente ng Brgy. Bangkal, Malolos City.Nabatid na pasado alas-dose ng tanghali nang magsagawa ng anti-illegal gambling operation ang awtoridad sa pangunguna ni P/Lt. Col. Emerey Abating, Malolos City Police Chief, sa nasabing barangay makaraang inguso ng isang talunang mananaya sa awtoridad ang tupadahan kaya hindi na nakaporma ang mga suspek at nadakip.
Nakumpiska rito ang isang itim na bag na may lamang 15 tari, isang tinale, dalawang patay na manok na panabong at cash na mahigit P1,000.
Samantala, limang katao pa ang nadakip ng awtoridad sa Norzagaray makaraang mahuli sa aktong nagsusugal ng tong-its sa pampublikong lugar at nahaharap din ang mga ito sa kasong kriminal matapos makumpiskahan ng dalawang set ng baraha at taya na umaabot sa P1,335. (Jun Borlongan)