Importansya ng DDR pinaramdam ni ‘Tisoy’
NAPAPANAHON na para itatag ang panukalang Department of Disaster Resilience (DDR).
Ito umano ang pinakita ng hagupit ng bagyong ‘Tisoy’ sa sambayanang Pilipino.
Matinding sinalanta ni ‘Tisoy’ ang Timog Luzon at Hilagang Kabisayaan nitong nakaraang ilang araw.
Kumitil ng buhay, winasak ang maraming imprastruktura, kabuhayan at bahay ng libo-libong mga mamamayan.
Una nitong sinalanta ang Albay at Sorsogon sa Bicol. Base sa tala, isa si ‘Tisoy’ sa pinakamalakas na bagyong bumayo sa bansa sa nakaraang maraming taon.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng ‘House Ways and Means Committee’ at pangunahing may-akda ng DDR bill, sa isang panayam, na “sobra na ang mga nalusaw na yaman at potensiyal ng Pilipinas, at pahirap sa mga Pilipino, gawa ng lumilimit at lalong bumabangis na panahon.”
Ipinakita umano nito na kailangan nang lumikha agad ang gobyerno ng isang ahensiyang magpapatupad ng mabisang programang tutugon sa banta at pananalasa ng mga kalamidad.
Sa Bicol, isa sa mga sinalanta ni ‘Tisoy’ ang Legazpi City Domestic Airport. kaya kaagad hiniling ni Salceda sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Department of Transportation (DOTr) na isaayos ito para maibalik ang biyahe ng eroplano doon sa loob ng isang linggo.