‘Mga pagsubok kay Job’
by Allan EncarnacionBUKOD sa Panginoong Hesukristo, si Job ang pinakadumanas ng matinding paghihirap batay sa salaysay ng Bibliya.
Tinubuan siya ng mga sugat sa balat mula ulo hanggang sa paa na ang deskripsiyon ay ketong. Mayaman si Job, nagmamay-ari ng malaking lupain at marami siyang alagang tupa, baka at mga kamelyo.
Pitong libo ang tupa niya, may 300 camels, 500 female donkeys at puwede talagang sabihin na sa kategorya ngayon ng ultra rich, si Job iyon.
Dumating ang isang araw, naubos lahat ng kayamanan ni Job, namatay lahat ng alaga niyang hayup, naabo ang kanyang bahay.
Ang pinakamatinding dinanas ni Job, namatayan pa siya ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Ubos si Job!.
Nang mabasa ko ang sinabi ni Job, may 20 years na ang nakakaraan, inalis ko na ang relo, singsing at kuwintas sa aking katawan. Sa harap ng kanyang pagdurusa at kahubaran ng lahat, isa lang ang namutawi sa kanyang bibig: Hubad akong iniluwal ng Panginoon sa mundo, hubad din akong babalik sa kanya.
Kung mayroong mas malaki pang pananampalataya sa Panginoon sa lahat ng mga karakter sa Bibliya, si Job na iyon. Wala si Job sa labindalawang disipulo ng Panginoong Hesu Kristo pero kung may puwedeng tawaging totoong taga-sunod ng Panginoon, si Job na talaga iyon. Hall of Famer of Faith kung tawagin, ika nga.
Ayon sa kuwento, walang kaalam-alam si Job na “nagpustahan” ang Panginoon at si Satanas.
Sabi ni Taning, kaya lang malapit sa Diyos si Job ay dahil mabunga at mabiyaya ang kanyang buhay. Hamon ni Taning, subukan daw na pagdusahin si Job, tingnan daw niya kung hindi nito isumpa at murahin ang Panginoon.
Nangyari nga ang lahat ng paghihirap ni Job na gawa ng diyablo. Pero kabilin-bilinan ng Panginoon, huwag papatayin si Job kahit ipataw ang lahat ng pagdurusa sa kanya.
Pati ang esmi ni Job, itinutulak na siyang talikuran ang Panginoon at sumpain ito dahil sa dinanas niyang dusa.
“Kung tinatanggap natin ang mabubuting nangyayari sa atin mula sa Diyos, marapat lamang na tanggapin din natin ang mga hindi maganda,” sagot niya sa buyo ng misis.
Mahirap humanap ng taong katulad ni Job, isang matuwid, marangya ang buhay at mayroong masayang pamilya. Walang mortal na makapapantay sa ganitong klase ng pananamplataya ni Job.
Sa lahat ng pagsubok na dumarating sa ating buhay, gamitin lamang nating poster boy si Job, iisipin mo nang sobrang mapalad pa pala tayo. Maraming bagay sa ating buhay ang dapat ipagpasalamat.
Ang anumang nangyayari sa atin ay hindi pa matatapatan ng nangyari kay Job. Maging matatag tayo, magpatuloy lamang tayo sa ating matibay na pananampalataya dahil hindi naman natutulog ang Diyos.
Sabi nga, mas mabuti nang mayroon kang pananampalataya na kasinglaki ng buto ng mustasa basta huwag lang sa iyo ito ay mawawala.
Happy Feast of Immaculate Conception sa lahat!
allanpunglo@gmail.com