College grad na si Senator Pacquiao!

by

NGAYON pa lang ay una na tayong babati ng sinserong congratulations kay Senador Manny ‘Pacman’ Pacquiao.

Ga-graduate kasi ito sa kursong Bachelor in Political Science and Public Administration, bukas Disyembre 11, sa University of Makati (UMak).

“Yes. Tuluy-tuloy ang pag-aaral ko.  2008 pa ako nag-enrol sa college. Di ko agad natapos ang kurso. Malapit na malapit na.

This month graduate na ako,” pahayag ng senador sa panayam ni Ms. Cely Bueno ng DWIZ noong nagdaang Sabado.  

Ani Pacquiao, noon pa ay gusto na niyang mag-aral upang mapaghandaan ang anumang karapat-dapat na serbisyo para sa bayan. “Sa abot ng aking makakaya para sa serbisyo sa taumbayan.”

Magandang gabay na rin aniya ito ng ating mga kababayan upang hindi mawalan ng interes na makapagtapos sa pag-aaral.

Aniya, hindi dapat huminto ang sinuman na tuklasin ang kaalaman na dapat nating malamang lahat. “There’s so much knowledge that are given to mankind. That is our responsibility to know. Kaya tayo nag-aaral,” sabi pa niya.

Hindi umano dahilan o katwiran na kapag ang taong may edad o matanda na ay hindi na puwedeng mag-aral. Dahil kung may determinasyon, siguradong makakamit ito anumang hirap ang dinaranas sa buhay.

Matapos makuha ang ‘baccalaureate degree,’ nais din ng pambansang kamao na kumuha ng masteral class sa Harvard University sa Cambridge, Massachusetts, sa Estados Unidos.

Walang masama rito at ang ginagawang ito ni Senador Pacquiao ay tunay na kahanga-hanga!

Kung matatandaan, isa rin sa dapat maging inspirasyon ng lahat si Manila Mayor Isko Moreno.

Nang pumasok ito sa pulitika noong taong 1998, grabe ang panlalait at pambabatikos sa kanya ng ilang kalaban sa pulitika. Kesyo, isa lamang itong artista, pa-cute sa That’s Entertaintment at walang karapatang maging konsehal ng Maynila dahil wala itong alam.

Hindi ito naging hadlang kay Yorme upang patunayan sa lahat na mali ang mga akusasyon laban sa kanya,

Tulad ni Pacquiao, pinatunayan ni Moreno na hindi hadlang ang pagiging ‘mahirap,’ ‘artista,’ o anupamang estado sa buhay sa pagkakaroon ng magandang edukasyon.

Tinapos ni Isko ang kolehiyo sa Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM) sa kursong Bachelor of Science in Public Adminstration. Itinuloy din niya ito sa Nag-aral ng abogasya sa Arellano University at nagtapos din sa University of Oxford sa bansang Amerika.

Yung mga dating nanlalait kay Isko noon, tameme ngayon.

Kasi kung sino pa ang dating pinipintasan, pinagtatawan hinggil sa kawalan ng edukasyon, si Yorme Isko pa ang may malinaw na pamantayan, panuntunan sa larangan ng ‘Good Governance’ o mabuting pamamahala.

Hindi ba’t naging ‘template’ pa ng Duterte administration ang ‘clearing operations’ nito sa Divisoria at iba pang sulok ng Maynila?

Na pilit ginagaya ngayon ng iba’t ibang local government units (LGUs) sa buong Pilipinas!

Ang mga pulitikong tulad nina Pacquiao at Moreno ay isang magandang ehemplo sa kabataan!

Sabihin nating hindi pa rin ganoon kagaling magsalita ng lengguwaheng ingles si Senador Pacquiao ngayon.

Pero hindi po ito sukatan ng katalinuhan at kagalingan ng isang pulitiko.

Bilang isang nilalang, malaki na ang naging kontribusyon ni Senador Pacquiao sa bansang Pilipinas.

Makailang ulit siyang nagwagayway ng ating bandila sa pagiging magaling na boksingero. Hanggang ngayon, si Pacquiao pa lamang ang nakapag-ukit sa kasaysayan sa buong mundo na may 12 major world titles sa walong magkakahiwalay na kategorya ng ‘weight divisions’ sa isports ng suntukan.

Bilang pulitiko, wala pa tayong nabalitaang anomalya o korapsiyon na kinasangkutan nito mula sa pagiging congressman at senador ngayon.

Sa kabila ng salat sa kaalaman noon, hanggang ngayon ay hindi nagpapakabog sa plenaryo si Pacquiao kahit sabihin nating magagaling at de kampanilya ang ilan nating mambabatas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Hindi matawaran ang ipinapakita nitong kontribusyon sa mga dinadaluhang committee hearings, gayundin ang ilang debate sa session hall.

Si Senador Pacquiao ang isang tunay na pulitikong walang pakialam kung nagkakabuhul-buhol man ang pag-iingles basta ang sa kanya ay maipaabot ang mga mensahe’t nalalaman patungkol sa kapakanan ng ating mga kababayan.

At kung ako ang tatanungin, mas gusto ko na ang pulitikong katulad nito, kaysa sa iba na mga henyo nga sa mundo ng pulitika, pero ginagamit naman ang katalinuhan sa malawakang korapsiyon sa bayan.

Madalas, nasasabi ko. Hindi rin talaga batayan ng katalinuhan ang pagsasalita ng inggles.

Mas gusto ko na ang mga pulitikong hindi nga ganun ka-fluent mag-ingles pero galing sa puso naman ang tunay na pagmamahal sa bayan!

Muli, Congratulations po, Senador Manny Pacquiao!
Cheers!!!