https://www.abante.com.ph/wp-content/uploads/lacson3.jpg

Lacson kumasa sa lie detector challenge ni Alan

ANUMANG oras ay nakahanda si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa hamon ni Speaker Alan Peter Cayetano na magpa-lie detector test para malaman kung sino sa kanila ang korap.

“Ako ready anytime. Sa corruption? Anytime, gusto nila, ‘di ngayon,” paha­yag ni Lacson kahapon sa panayam ng mga reporter matapos ang bicameral conference committee sa panukalang 2020 budget.

Una rito, inihalintulad ni Lacson ang P1.5 bilyong pondo para sa SEA Games na hindi na dumaan sa public bidding at dumiretso agad sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) sa pork barrel case ni Janet Lim-Napoles.

Dahil dito, hinamon ng House Speaker si Lacson kasama si Senate Minority Franklin Drilon sa isang lie detector test para mapatunayan ang kanyang sarili sa dalawa na wala umano siyang kinita sa SEA Games.

Pero paglilinaw ni Lacson, wala aniya siyang akong sinasabi na pork barrel o may corruption sa paggasta ng pera ang Phisgoc.
“I’d like to clarify again, walang nag-aakusa sa Phisgoc na may corruption. We’re not yet there,” sabi ni Lacson.
“I’m not accusing them na may miss­pending unlike what Mr. (Ramon) Suzara (Phisgoc chief operating officer) pointed out na ina-accuse ko silang may misspen­ding or misspent funds. Wala naman akong sinabing ganoon,” sambit pa nito.

CAYETANO HINDI PA LUSOT
Noong Huwebes, nilinis ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ni Cayetano na aniya’y hindi sangkot sa maling paggasta ng pondo para sa SEA Games.

Subalit sa kabila nito, ani Lacson, hindi nangangahulugan na hindi na magsisiyasat ang Senado hinggil sa isyu ng katiwalian sa Phisgoc, Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee na pangunahing nag-asikaso sa pagho-host ng SEA Games.

“No, far from it. Kasi sabi niya rin mag-iimbestiga ang Executive Department. He just clarified the statement issued by Atty. (Sal) Panelo the spokesperson na sinasabi niyang maski kaibi­gan hindi malilibre, implying that Speaker APC might have been involved,” ani Lacson.
“So nilinaw lang, clarify ni PRRD, na he personally believes na kung may corruption na nangyari sa Phisgoc, hindi kasama si Speaker APC,” saad pa nito.

“All aspects. All aspects. Pati ang transfer ng pondo ng government funds sa private foundation which is Phisgoc. ‘Yan lang ang issue ko,” ayon pa kay Lacson. (Dindo Matining)