‘Di lang sa Pinas ‘nagkaaberya’ sa sports
by Paul M. GutierrezNAGTATANONG lang tayo, mga kabayan:
“Bakit” ba tila lahat na lang ng mga sinasabing ‘aberya’ na nakikita sa paghahanda ng 30th SEA Games ay sumasambulat sa media lalo na sa social media?
Na sa halip, palakasin ang loob ng mga atletang Pinoy at maging ang mga atletang mula sa ibang bansa, ay idinidiin pa na di magtagumpay ang nasabing ‘athletic competition?
Kabi-kabila ang mga puna na maski maliliit na bagay ay dinadala sa atensyon ng mga netizens.
Minsan ang simpleng mga bagay ay pinalalaki. Nailalayo na tuloy ang ating atensyon sa tunay na kahulugan ng SEA Games — brotherhood and unity thru sports— at ang “puso” at “giting” ng mga atletang Pilipino.
Ibang-iba talaga ang ating kultura sa ibang bansa sa Asya. Mapapansin niyo na hindi kinukuyog ng ibang bansa ang sarili nilang bansa sa pagkakapahiya. Taliwas sa nangyayari ngayon sa Pilipinas.
Mismong ang mga sarili nating manlalaro ang nagpapatunay na wala pang international sports event na naging “perpekto.”
Kahit saan sa buong mundo na nag-host ng mga ganitong events ay nagkaroon din naman ng mga aberya. Normal na ang pagkakaroon ng mga aberya katulad sa aspeto ng pagkain at titirhan ng mga atleta.
Sabi ng dating ‘Azkal’ player na si Alejandro Baldo Jr., naranasan nilang nagtulak ng kanilang sasakyan sa Thailand sa isang sports event at nagkaproblema din sila sa pagkain at kung anu-ano pa kapag nasa dayuhang bansa sila para makipaglaban.
Sinabi din mismo ni badminton national athlete Antonio Cayanan na “nagkaproblema” din sila sa pagkain, transportasyon at dinala sila sa maling hotel sa ginanap na 2017 Malaysian SEA Games— na “naayos” din naman habang idinaraos ang palaro.
Huwag na tayong lumayo, si PSC Commissioner Ramon Fernandez ay nagsabi din na normal ang mga ganitong aberya kahit saan mang palaro at kahit anumang bansa ang mag-host ng palaro.
Tinukoy ni Fernandez ang nangyaring food poisoning sa Malaysian SEA Games noong 2017 at ang problema sa transportasyon at mga driver ng palaro na hindi pinasuweldo.
Ang mahalaga ayon kay Fernandez sa kabila ng mga ganitong aberya, ay ang suporta ng taumbayan sa adhikain ng mga atleta na makapaglaro sa abot ng kanilang makakaya at maibulsa ang gintong medalya para sa karangalan ng bansa.
Sa halip na magbatikusan at tayo mismo ang “magbanatan,’ bakit hindi na lamang natin ipagdiwang ang mga inaaning tagumpay ngayon ng Team Philippines sa kasalukuyang SEA Games?
Kagaya ng unang panalo ng Pilipinas na itinala ng Philippine Women Football team nitong Lunes. Hindi ba magandang pangyayari ito na dapat nating lahat na ipagsaya?
Suporta ang kailangan ng ating mga atleta at hindi kung anu-anomg batikos at puna.
Huwag natin itong ipagkait sa kanila, period!