Nanghalay na, nagnakaw pa
by Edd ReyesGINAHASA muna ng nag-iisang kawatan ang dalagang estudyante sa loob ng pinasok na bahay bago tumakas, tangay ang mahigit P2 milyong halaga ng alahas, salapi at gadgets ng pamilya kamakalawa ng madaling araw sa Parañaque City.
Walang nagawa ang 19-anyos na estudyanteng biktima na itinago lang sa alyas “Gemma” nang pasukin at halayin siya sa loob ng kanyang silid ng armadong suspek, matapos takuting papatayin kapag pumalag sa kanyang kagustuhan.
Sa pagsisiyasat ni P/Cpl. Mary Ellen Ramos ng Parañaque Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), unang pinasok ng suspek ang silid ng kapatid ni Gemma na si Mark Burgos, 21, sa ikalawang palapag ng kanilang tirahan sa 72-6 Japan St., Better Living Subdivision, Bgy. Don Bosco dakong alas-2:30 ng madaling araw at ginapos ang dalawang kamay nito, gamit ang packaging tape, bago binusalan ang bibig ng damit.
Matapos na halayin ang dalagang biktima, pinasok naman ng suspek ang master’s bedroom at puwersahang binuksan ang mga drawer at cabinet na kinalalagyan ng mga mamahaling alahas, kabilang ang Patek Philippe at Audemars Piguet na relos na may kabuuang halagang P1,980,000, P50,000 na cash at P105,000 halaga ng digicamera.
Natangay din ng suspek sa kanyang pagtakas ang tatlong laptop at dalawang mamahaling cellular phones ng magkapatid na may kabuuang halagang P295,000.
Nang matiyak naman ni Gemma na nakaalis na ang kawatan, pinuntahan niya ang silid ng kapatid, kinalag ang gapos at inalis ang busal bago magkasabay nilang tinungo ang silid ng kasambahay na si Julie Lajo, 30, sa unang palapag ng bahay na inabutan pa nilang natutulog.
Masusi namang nirerebisa ng pulisya ang kuha ng CCTV camera sa lugar na posibleng maging daan upang makilala ang kawatan lalu na’t natuklasan ng pulisya na kabisado niya ang kabuuan ng bahay.
Sa ulat na tinanggap ni Parañaque police chief P/Col. Robin King Sarmiento, ipinarada ng suspek sa tabi ng kalye ang dalang motorsiklo bago sinira ang gate ng bahay ng mga biktima at pagpasok sa loob ay sinungkit sa pamamagitan ng sanga ng punong-kahoy ang susi ng bahay na nakasabit lamang sa tabi ng pinto.